Isang mapagpalayang umaga sa ating lahat.
Isang daan at dalawampung taon na ang lumipas magmula nang itatag ang Unang Republika ng Pilipinas dito sa Simbahan ng Barasoain, Malolos, Bulakan.
Ang ating Unang Republika ay umusbong kasabay nang pag-inog ng bagong kabanata sa kasaysayan ng kolonyalismo.
Sa dapithapon ng kolonyalismong Europeo at sa bukang-liwayway ng kolonyalismong Amerikano ipinanganak ang Unang Republikang Pilipino.
Habang ang ilang bansa sa ibang panig ng daigdig ay humarap sa iisang mananakop, tayo ay kinailangang sabay na makipagtunggali sa dalawang puwersa ng mga dayuhan upang isulong ang ating karapatang mamuno sa ating sariling bayan at mamuhay nang malaya.
Ang kakulangan sa armas at gamit-pandigma, ating pinunan ng higit na giting at tapang.
Ang giting at tapang ay umusbong at sumidhi sa dibdib ng bawa’t Pilipinong nagnais na patunayang ang lahing Pilipino ay hindi isang lahing alipin;
Ito ay pinagtibay ng igting ng ating pagpahalaga sa Kalayaan, na higit pa sa pagpapahalaga sa isang matiwasay na buhay sa ilalim ng dayuhang bandila;
Ito ay pinaalab ng ating pananalig sa ating kakayanang pamunuan ang ating sariling pamayanan at iguhit ang kasaysayan ng ating lahi.
Ang kasaysayang ito ay ating isinulat sa pamamagitan ng ating pawis, dugo at hinagpis:
Pawis ng bawa’t Pilipinong nagsumikap upang makaalpas sa pang-aalipin ng dayuhang mananakop;
Dugo ng ating mga ninuno na nag-alay ng kanilang kakayanan at huling hininga makamit lamang ang kalayaan;
At hinagpis ng mga nabalong asawa at naulilang mga magulang, at ng isang buong henerasyong pinagkaitan ng kabataan.
Ang tilamsik ng kasaysayan ng ating Unang Republika ay siyang pumukaw at bumuhay sa nasyonalismo sa buong Asya.
Kaya’t ang Unang Republikang Pilipino ay hindi lamang Unang Republika sa ating bansa; ito rin ang naging batayan ng pag-alsa ng iba’t ibang lahi laban sa kolonyalismo dito sa Asya.
Ito ang kasaysayang ating taas-noong ipinagbubunyi ngayong araw na ito.
Ngunit higit sa pagbubunyi, nararapat na ating suriin ang aral ng kasaysayang ito.
Sapagka’t matapos ang isang daan at dalawampung taon mula nang itatag ang ating unang Republika, hindi pa tunay na natutuldukan ang digmaan para sa ating kasarinlan.
Ang ating dangal na inalipusta ng mga dayuhan noon ay inaalipusta ngayon ng mga nagsasamantala sa kahirapan ng ilan.
Sa gitna ng mga palatuntunan ng pamahalaan para maiangat ang kabuhayan ng taong-bayan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nananatiling lugmok sa mapaniil na kahirapan.
Ito ang kahirapang tumutulak sa kanila upang ipakipagsapalaran ang lahat, pati na ang kanilang kinabukasan.
Ang mukha ng kahirapang ito ay madalas kong masumpungan sa ating mga paliparan.
Sa ating mga paliparan matatagpuan ang ilan sa ating mga kababayang hinahatak mangibang-bansa ng mapagsamantalang kapalaran, upang doon ay muling alipinin ng mga dayuhan.
Kahirapan rin ang madalas na tagawasak ng kawalang-malay ng mga paslit at musmos na tinaguriang pag-asa ng ating bayan.
Ilan sa ating kabataan ang sapilitang ginagawang aliwan ng mga mapang-abusong dayuhan, na kadalasan ay nasa ibayong-dagat.
Ito’y kanilang naisasakatuparan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at komunikasyon tulad ng internet.
Ang ilan naman ay ginagawang kasangkapan ng mga mapagsamantala, bilang pananggalang sa kanilang pananagutan sa batas.
Kung libu-libong kabataan ang noon ay nag-alay ng kanilang buhay upang tayo ay mapalaya sa kamay ng banyagang dayuhan, kasing raming buhay din ng ating kabataan ang ngayon ay pinagbabantaan ng salot ng ipinagbabawal na gamot.
Ang ilan sa kanila ay nagiging galamay pa ng mga sindikatong ginagamit ang batas na mapagkalinga sa kabataan upang makinabang sa kanilang gawaing illegal.
Ilan din sa ating kabataan ang ginagawang kasangkapan sa giyerang ideolohikal ng mga puwersang walang ibang pakay kundi ang sirain ang kaayusan at katiwasayan sa ating lipunan.
Patuloy ang digmaan, nag-iba lamang ang mukha ng ating kalaban.
“Ito marahil ang aral ng digmaan ng lumipas na siglo na dapat nating matutunan”
Ang ipinaglalaban natin noon at ngayon ay iisa: ang pagkilala na lahat tayo – anuman ang kulay, kasarian, paniniwala, edad o estado sa buhay – ay may dangal, dignidad bilang tao, at karapatang pantay-pantay;
Na ang bawat isa ay may tungkuling igalang ang kanyang kapwa, at ang sinumang lumabag nito ay may pananagutan hindi lamang sa isa kundi sa ating lahat.
Ang digmaan noon ay sumiklab dahil sa pangangahas ng ilang dayuhang manlupig, bunsod ng baluktot na paniniwalang may lahing mababang uri na kaya nilang gapiin.
Ang laban para sa kalayaan ngayon ay magpapatuloy hangga’t hindi natutuldukan ang ilan sa kanilang pananamantala sa kanilang kapwa– –lalo na sa mga kababaihan, at sa mga kabataan.
Habang inaangat ng pamahalaan – sa pangunguna ng ating Pangulo – ang kabuhayan at estado ng ating mga kababayan upang kanilang makamtan ang kasarinlang papalayo sa kahirapan, ang Kagawarang aking pinangungunahan ay patuloy naman ang pagkilos upang makamit natin ang kalayaan laban sa lahat ng uri ng pang-aapi.
Kami ay hindi lamang mga taga-sakdal na naghahabla sa may sala upang sila’y mapanagot sa batas.
Kami ang inyong mga taga-usig, at tungkulin namin ang mabigyan ng katarungan ang ating mga kababayang pinagsamantalahan at pinagkaitan ng pagkakataong mabuhay nang tahimik at mapayapa.
Batid namin ang maraming balakid sa pagtupad ng aming tungkulin.
Sa kabila ng mga ito – pati na ang maraming banta sa aming buhay at kaligtasan, kami ay patuloy na gumaganap sa tungkuling aming sinumpaan.
Dahil sa ating pag-agaw sa bawat bata mula sa kuko ng mga mapagsamantala, isang bahag-hari ang humahawi ng panglaw sa langit;
Sa bawat kapatid o magulang na ating naililigtas sa kapahamakan sa ibayong dagat, naitatanim natin ang panibagong punla ng pag-asa para sa ating mga pamilya at komunidad;
At sa bawat may-salang ating naipatapon sa piitan, naiibsan natin ang sakit ng damdamin ng mga naapi, kasabay ng paglawig ng panahon ng katahimikan at kapayapaan sa lipunang ating ginagalawan.
“Kaya’t sa pagkakataong ito, dito kung saan ipinamalas ng ilang libong bayani ang kanilang giting at tapang, ako rin ay nangangahas at nagsusumamo sa inyo – lalo na sa ating mga kabataan: Tulad noon, mahigit isang dantaon na ang nakalipas, magtulong-tulong tayo upang palayain ang ating bayan mula sa mga nagmamalabis, ipagtanggol at pangalagaan ang kapakanan ng mga naaapi, at tapusin ang lahat ng anyo ng pang-aalipin.”
Samahan nyo kami sa pamahalaan ng bagong Republika, at sa Kagawaran ng Katarungan.
Sabay nating ialay ang ating lakas, talino, giting at tapang sa bayan ng ating luwalhati’t pagsinta.
Sabay nating bigyang katarungan ang kalayaang noon ay buong-giting nating ipinaglaban.
Palayain natin ang ating kapwa, at ang ating sarili, sa lahat ng uri ng pang-aapi.
Mabuhay ang Kalayaan!
Mabuhay ang una at ang bagong Republika ng Pilipinas!
Mabuhay tayong lahat!
Maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.